Ginagamot pa sa Cagayan Valley Medical Center ang isang babae na sakay ng motorsiklo na nagtamo ng pinsala sa katawan matapos ang banggaan sa isang owner-type-jeep sa bayan ng Gonzaga, Cagayan.
Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP Gonzaga na tatawid sana ang owner-type-jeep papuntang gas station para magpa-gasolina sa national highway sa Brgy. Paradise nang biglang mabangga ito ng isang motorsiklo na minaneho ng isang babae na 34 years old na galing sa Santa Ana, Cagayan.
Dahil dito, tumilapon ang sakay ng motorsiklo na nagtamo ng injuries at agad na dinala sa Alfonso Ponce Memorial District Hospital ng rescuers ng nasabing bayan, subalit inilipat siya sa CVMC para sa karagdagang gamutan.
Isinailalim na rin sa interogasyon ang driver ng owner-type-jeep na 51 years old, isang mangingisda, residente ng nasabing bayan.
Sa ngayon ay hindi pa matukoy ang halaga ng pinsala ng dalawang sasakyan at nasa kustodiya ng Gonzaga Police Station para sa tamang disposisyon.