Pag-aaralan pa ng Palasyo ang mungkahi ng ilang grupo na bigyan din ng ayuda ang mga manggagawang kumikita ng minimum wage.

Sa gitna pa rin ito ng mahal na presyo ng langis at mga nagbabadyang pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin.

Iminungkahi kasi ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na makasama sa mabibigyan ng P5,000 na ayuda ang nasa mahigit 5 milyong minimum wage earners.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, pag-aaralan ito pero kinakailangan munang unahin ang mga driver na pangunahing apektado ng sitwasyon.

Bukod dito, tiniyak ng Palasyo na gumagawa ng hakbang ang pamahalaan para matulungan din ang lahat.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ipinauubaya ng Palasyo sa Department of Trade and Industry (DTI) ang detalye kaugnay sa anunsiyo ng ilang manufacturers na magtataas sila ng presyo ng kanilang mga produkto.