Sinisikap na ng PNP Tuguegarao na makakuha ng contact ng mga kamag-anak ng isang engineer na nakita ang naaagnas nitong bangkay sa isang silid sa ginagawang gusali sa Barangay Caggay.

Sinabi ni PLT Rosemarie Taguiam, information officer ng PNP Tuguegarao na nangako naman ang may-ari ng gusali na si Donald Dy na makikipagtulungan siya sa kanila upang mahanap ang mga kamag-anak ni Engr. Manuel Dela Peña Amonsio, 60 anyos na batay sa nakuha na mga dokumento siya ay tubong Cavite.

Ayon kay Taguiam, nagtungo sa kanilang himpilan si Dy at humingi ng kanilang tulong dahil sa buhat umano noong December 17, 2022 ay hindi na sumasagot sa tawag at text si Amonsio.

Dahil dito, nagtungo ang mga pulis sa gusali at nang buksan ang isang silid ay nakita ang naaagnas ng bangkay ng biktima.

Sinabi ni Taguiam na wala namang nakitang foul play sa pagkamatay ng biktima dahil sa wala namang nawawala sa kanyang mga gamit at maging ng kanyang pera.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Taguiam, ang hinala ng mga otoridad ay posibleng namatay dahil sa sakit ang biktima.

Nabatid pa mula kay Taguiam na nagtungo sa lungsod si Amonsio para sa konstruksion ng gusali kung saan siya natagpuang patay subalit dahil sa pandemya ay hindi pa ito naipagpatuloy at siya na ang itinalaga na mamahala sa gusali.