Natagpuan ang naaagnas na katawan ng isang Pinay na unang iniulat na nawawala sa loob ng dalawang buwan sa Kuwait sa bahay ng isang Kuwaiti citizen, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ni Migrant Secretary Hans Leo Cacdac, hinuli ng mga awtoridad ng Kuwait ang “prime suspect” subalit hindi malinaw kung siya ang employer ni Dafnie Nacalaban.
Limang taon na nasa Kuwait ang nasabing Pinay at plano na umuwi sana nitong nakalipas n Pasko para surpresahin ang kanyang pamilya.
Batay sa local news reports, nawawala si Nacalaban buhat noong Oktubre bago matagpuan ang kanyang mga labi noong Decmber 31.
Sinabi ni Cacdac, hindi pa matukoy kung kailan pinatay si Nacalaban.
Idinagdag pa niya na hindi pa malinaw kung ano ang relasyon sa pagitan ng biktima at ang hinuli na suspect.
Subalit sinabi ni Undersecretary Eduardo de Vega ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang kapatid na lalaki ng suspect ang nagturo sa kinaroroonan ng katawan ni Nacalaban.
Ayon kay De Vega, may abogado na nagbabantay sa kaso at nakikipag-ugnayan sa Kuwaiti prosecution upang matiyak na gugulong ang kaso at maibigay ang hustisya sa biktima.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DMW at DFA sa mga awtoridad ng Kuwait sa imbestigasyon at para sa pagbabalik sa bansa ng mga labi ni Pacalaban.