Binigyan ng disenteng libing ang labi ng isang miyembro ng New Peoples Army na nahukay ng militar na basta na lamang inilibing ng mga kasamahaan sa kabundukan ng Brgy Sta. Margarita, Baggao, Cagayan.
Ang nasabing NPA ay kinilalang si Francisco Reyes na namatay sa pagkakabagok ng ulo matapos itong mahulog sa bangin habang tumatakas sa mga kasundaluhan na nagpa-patrolya matapos ang magkakasunod na engkwentro noong buwan ng Marso ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Lt. Col Mangtanggol Panopio, Commander ng 77th Infantry Battalion na nakabase sa bayan ng Alcala, Cagayan na tinanggap ng kaniyang pamangkin na hindi na pinangalanan ang bangkay na agad ding inilibing sa San Jose Public Cemetery.
Samantala, sa pamamagitan naman ng condemnation rally ay mariing kinondena ng SAMBAYANAN-Baggao Chapter ang kawalang respeto ng mga teroristang NPA sa karapatang pantao ni Reyes.
Anila, labing siyam na taon nang kasapi ng NPA si Reyes na tubong Baggao, Cagayan at kasamahan ng 22 sumuko noong June 2, 2023 na iprinisenta ni Cagayan Governor Manuel Mamba.
Sinabi ni Panopio na batay sa salaysay ng mga former rebels ay nagpahayag din ng kagustuhan ang kanilang dating kasamahan na sumuko na sa pamahalaan habang inaasahan naman sa mga susunod na araw ang pagsuko ng ilang militia ng bayan o supporters ng NPA.