Naipasakamay na sa Regional Forensic Unit ng PNP Region 2 ang shabu na napulot ng dalawang mangingisda sa dalampasigan sa Barangay Masisit, Sanchez Mira, Cagayan.

Sinabi ni PMAJ Jeorge Jacob, chief of police ng PNP Sanchez Mira, agad na ipinagbigay-alam ni Romeo Udaundo ay kanyang manugang na babae sa kanilang himpilan ang napulot nila na shabu na nakabalot sa plastik na may Chinese character.

Ayon kay Jacob, binuksan ng dalawa ang nasabing plastik at nang makita na ang laman nito ay parang maliliit na ice cubes ay ipinaalam nila ito sa pulisya.

Sinabi ni Jacob na nakumpirma ng forensic unit ng PNP Region 2 na shabu ang laman ng plastik batay sa kanilang pagsusuri.

Ayon kay Jacob, 1.82 kilograms ang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P6.8 million.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi ni Jacob na una silang nagbigay ng abiso sa mga residente sa Sanchez Mira sa mga makikitang kahina-hinalang mga bagay sa dalampasigan at palutang-lutang sa dagat na agad ipagbigay-alam sa kanilang himpilan.

Ito ay matapos na may makuha na ilang nakabalot na shabu sa baybayin ng Ilocos Norte.