photo credit: PNP-Cagayan

TUGUEGARAO CITY-Hawak na muli ng PNP-Tuguegarao ang isang preso na nakatakas noong Oktubre 26, 2020 matapos matunton ng kapulisan ang kinaroroonan nito sa bayan ng Baggao, Cagayan.

Kinilala ang nahuling preso na si Rodel Cabasag, 32-anyos residente ng Brgy. Ugac Sur, Tuguegarao City.

Ayon kay Police Senior Master Sergeant Joey Manding ng PNP-Baggao, isang concerned citizen ang nagbigay impormasyon sa kanilang himpilan na mayroong lalaki na napadpad sa sitio Lannay Brgy. Santa Margarita, Baggao na hindi nila kakilala.

Dahil dito, agad na nagtungo ang kanilang grupo sa bulubunduking bahagi ng lugar kung saan apat na oras ang kanilang nilakad bago narating ito.

Sinubukan pang tumakas ng suspek nang makita ang mga pulis pero dahil napalibutan na ang bahay na kinaroroonan ay hindi na niya nagawang lusutan ang mga otoridad.

-- ADVERTISEMENT --

Agad namang nakipag-ugnayan ang PNP-Baggao sa PNP-Tuguegarao kung saan kanilang kinumpirma na ang nahuling lalaki ay ang nakatakas nilang preso nitong nakaraang taon.

Sinabi ni Manding na batay sa kanilang imbestigasyon, nakarating sa bayan ng Baggao ang suspek matapos sunduin ng kanyang bayaw o asawa ng kanyang kapatid dito sa lungsod ng Tuguegarao.

Nagpakilala naman sa pangalan na Jomar Baquirigan ang suspek sa bayan ng Baggao at sinabi umanong lumayas lamang siya sa kanyang pamilya kung saan nakitira sa nagngangalang Teresita na hindi naman niya umano kaanak.

Nabatid na may kinakaharap na kasong paglabag sa Anti-Carnapping act of 2016 sa lungsod ang suspek kung kaya’t siya’y nakulong.

Hindi naman naidetalye ni Manding kung paano nakatakas ang suspek noong nakaraang taon.

Tinig ni Police Senior Master Sergeant Joey Manding