
Nag-viral sa social media ang isang ina sa Mariveles, Bataan matapos siyang magsuot ng lumang wedding gown sa recognition day ng kanyang anak sa Baseco Elementary School noong Marso 30, 2026.
Kinilala ang ina na si Mary Grace Gundayao-Galgao, isang working mother at fish vendor na naging usap-usapan online dahil sa kanyang kakaibang kasuotan sa naturang okasyon.
Ayon sa kanya, naging praktikal lamang siya sa kanyang desisyon dahil sa hirap ng buhay at mataas na gastusin, kaya hinugot niya ang gown mula sa baul matapos hindi magustuhan ang inorder niyang damit online.
Hati ang reaksyon ng netizens sa insidente, kung saan may mga bumatikos at nagsabing hindi ito angkop sa okasyon, habang may ilan namang sumuporta at nagsabing karapat-dapat lang ito dahil sa tagumpay ng kanyang anak.
Napag-alaman na ang kanyang anak ay isang honor student at nakatanggap ng maraming parangal sa naturang recognition day.
Sa kabila ng mga puna, iginiit ng ina ang kanyang pagmamalaki sa anak at sinabi na ang tagumpay nito ay bunga ng kanyang sakripisyo at pagsusumikap bilang magulang.









