TUGUEGARAO CITY- Pinag-iingat ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) ang mga Local Government Units (LGUs) sa pag-iisue ng mga PWD Identification Cards.

Ito ay upang maiwasang magamit ito ng mga mapansamantalang indibidwal sa anumang iligal na transactions.

Sinabi ni Amalia Decena, Council Member for PWDs na dapat maging mabusisi ang mga Municipal Social Welfare and Development (MSWD)sa pagbibigay ng IDs sa mga may kapansanan.

Kaugnay nito ay maaari aniyang makasuhan ang mga opisyal na pumirma sa inilabas na PWD ID para sa mga hindi kwalipikadong indibidwal.

Iginiit pa niya na isa sa pangunahing kailangan sa pagkuha ng nasabing ID ay ang certificate of disability na mula sa mga doktor at hindi ang medical certificate.

-- ADVERTISEMENT --

Bunsod nito ay naalarma ang mga opisyal matapos ang paglipana ng mga pekeng PWD IDs sa National Capital Region na ginagamit upang makakuha ng diskwento at isa sa nakakaapekto sa kalugian ng mga negosyo sa bansa.

Magugunitang nakapaloob sa RA 10754 o Act of Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disabilities ay makakakkuha sila ng 20% discount at exempted sa VAT sa pagbili sa mga establishimento.