
“Guilty” ang hatol ng Sandiganbayan kay Janet Napoles para sa 10 bilang ng graft at 10 bilang ng malversation of public funds through falsification of documents.
Dahil dito, pinatawan siya ng anti-graft court ng hanggang 15 taon na pagkakakulong sa bawat kasong graft, at 17 taon at 4 na buwan hanggang 20 taon sa bawat kasong malversation.
Kaugnay ito sa umano’y maanomalyang paghingi ng P50 milyon ng 10 non-government organizations (NGOs), sa pamamagitan ng 10 local government units (LGUs), mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) para sa farm inputs.
Natuklasan ng mga LGU na wala silang rekord ng naturang proyekto at hindi sila humiling ng pondo para rito.
Bukod kay Napoles, hinatulan ding guilty si dating DAR Undersecretary Jerry Pacturan sa 10 bilang ng malversation.
Samantala, si Evelyn de Leon ay napatunayang guilty sa tig-3 bilang ng graft at malversation.










