Magsasampa ang Office of the Ombudsman ng dalawang counts ng graft at administrative complaints laban sa ilang miyembro ng pamilya Villar at iba pang indibidwal kaugnay ng joint venture agreements ng PrimeWater Infrastructure Corporation (PWIC) sa mga local water district.

Kabilang sa mga respondent sina Senators Mark at Camille Villar, dating Senators Manny at Cynthia Villar, Manuel Paolo Villar, at ilang opisyal ng PrimeWater at local water districts.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, nasa preliminary investigation na ang mga reklamo.

Batay umano sa report na natanggap ng Ombudsman mula sa Office of the Government Corporate Counsel, 75 local water districts ang pumasok sa umano’y “grossly disadvantageous” joint venture agreements sa PrimeWater mula 2015 hanggang 2022.

Saklaw ng mga kasunduan ang financing, development, rehabilitation, expansion at maintenance ng water supply systems sa kani-kanilang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Clavano na 19 sa mga water district ang naglabas na ng notices of pre-termination dahil umano sa kabiguan ng PrimeWater na tuparin ang mga obligasyon nito.

Kabilang sa mga reklamong binanggit ang hindi tuloy-tuloy na suplay ng tubig at umano’y hindi magandang kalidad ng drinking water.

Naganap umano ang ilan sa mga naturang kasunduan noong panahon ni Sen. Mark Villar bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at miyembro ng Local Water Utilities Administration (LWUA).

Ang mga reklamo ay dadaan pa sa preliminary investigation ng Ombudsman.

Muli namang idiniin ni Clavano na matagal nang may mga reklamo ang publiko sa serbisyo ng PrimeWater kaya hindi masasabing iniisa-isa ang mga miyembro ng minority Senators.