Umabot na sa 37 ang bilang ng nasawi sa malakas na lindol na yumanig sa Mindanao, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Karamihan sa mga biktima ay mula sa Soccsksargen at Davao Region, habang daan-daang iba pa ang sugatan at libo-libong pamilya ang naapektuhan.

Ayon sa ulat ng OCD, hanggang alas-6 ng umaga ng Hunyo 9, 2026, 33 katao ang nasawi sa Soccsksargen (18 sa Sarangani, 12 sa General Santos City, at 3 sa South Cotabato), at 4 naman sa Davao Region.

Karamihan sa mga biktima ay tinamaan ng bumagsak na debris. Bukod dito, 456 ang sugatan at apat ang nawawala.

Tinatayang 17,689 pamilya o 77,186 indibidwal ang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Sarangani noong Hunyo 8. Nananatiling nakatutok ang mga search, rescue, at retrieval operations sa General Santos City at Sarangani, na kabilang sa pinakamalubhang tinamaan.

-- ADVERTISEMENT --

Idineklara na ang state of calamity sa General Santos City, habang patuloy ang deployment ng mga responder sa iba pang lugar. Batay sa paunang assessment, 9 tulay at 19 kalsada ang nasira, at tinatayang mahigit P900 milyon ang halaga ng pinsala sa imprastruktura.

Umabot sa 1,889 bahay ang nasira, kung saan halos 1,500 ang tuluyang gumuho.

Nagkaroon din ng pinsala sa General Santos International Airport, dahilan ng pagkansela ng mga komersyal na flight.

Pinayagan lamang ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang paggamit ng paliparan para sa military, government, at humanitarian flights.Philippine Politics News

Maraming residente ang nananatili sa mga bukas na espasyo dahil sa patuloy na aftershocks at pangamba sa tibay ng kanilang mga tahanan.

Pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagtatayo ng temporary shelters at tent cities para sa mga nawalan ng tirahan.

Naipadala na rin ang mga generator at suplay ng gasolina sa mga ospital at kritikal na pasilidad na naapektuhan ng brownout.

Samantala, sinuspinde ang klase sa ilang lugar noong Hunyo 9 bilang pag-iingat.