
Nagdulot ng takot at pangamba sa ilang Pilipino sa Japan ang emergency alert noong Biyernes, Oktubre 16, na nagbabala sa posibleng magnitude 9.9 na lindol, ngunit kalaunan ay kinansela matapos matukoy na mali ang paunang pagtataya.
Ayon sa Japan Meteorological Agency, nagmula ang maling alert sa labis na pagtataya sa lakas ng lindol malapit sa Kuril Islands. Binawi ang babala makalipas ang halos walong minuto.
Naitala sa magnitude 6.9 ang aktuwal na lindol na naganap sa karagatan malapit sa Kamchatka Peninsula ng Russia. Mahinang pagyanig lamang ang naobserbahan sa Japan at walang inilabas na tsunami warning o advisory.
Ikinuwento ng ilang Pilipinong naroon na agad silang naghanda sa posibleng pagyanig matapos sabay-sabay tumunog ang kanilang mga cellphone. May ilan ding nag-alala sa kaligtasan ng mga bata at kapwa nila nasa pampublikong lugar.
Sa kabila ng maling babala, binigyang-diin ng isang Pilipinang matagal nang naninirahan sa Japan ang kahalagahan ng pagiging handa sa lindol, ngunit hindi rin dapat magpadala sa panic.










