
Pumalo na sa apat ang bilang ng mga nasawi sa naganap na pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City matapos bawian ng buhay ang isa pang estudyanteng sugatan habang nilalapatan ng lunas sa ospital nitong Lunes, Hunyo 22.
Kinumpirma ng Philippine Red Cross (PRC) ang pagkasawi ng ikaapat na biktima bandang alas-7 ng gabi. Samantala, may 15 pang mga estudyante ang kasalukuyang nagpapagaling sa mga pagamutan dahil sa tinamong mga sugat mula sa insidente.
Naaresto na ng mga awtoridad ang dalawang menor de edad na suspek na sangkot sa pamamaril. Sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP), lumabas na ang isa sa mga baril na ginamit sa krimen ay isang 9mm Glock na nakarehistro at naitalaga sa isang babaeng pulis na nakatalaga sa Police Regional Office 8 (PRO-8).
Ayon kay PNP Public Information Office chief Col. Allen Rae Co, kasalukuyang iniimbestigahan at nasa kustodiya ng regional police office ang naturang pulis upang alamin ang posibleng pananagutan nito, kabilang ang kapabayaan sa pag-iingat ng service firearm.
Natuklasan din ng mga imbestigador na ang 14-anyos na suspek ay pamangkin ng naturang pulis. Sinubukan umano nitong magtago matapos ang insidente ngunit kalaunan ay naaresto rin ng mga awtoridad.
Samantala, ang isa pang baril na ginamit ng 15-anyos na suspek ay isang .38 caliber revolver na nakarehistro sa isang security agency sa Cebu. Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa naturang ahensya upang matukoy kung kaninong security guard nakatalaga ang armas.
Aabot sa 40 basyo ng bala ang narekober ng mga awtoridad sa iba’t ibang bahagi ng paaralan matapos ang pamamaril.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen. Kabilang sa mga pangunahing anggulong tinitingnan ng mga awtoridad ang ulat ng umano’y bullying na posibleng nagtulak sa mga suspek upang isagawa ang madugong pag-atake.










