TUGUEGARAO CITY-Inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maari nilang palitan ang mga pera na nasira dahil sa sunog.

Ito’y kasunod ng nangyaring magkasunod na sunog sa bayan ng Tuao nitong mga nakaraang linggo kung saan nasa P400,000 ang nasunog na pera.

Ayon kay Dante Cambre ng BSP-Tuguegarao, mayroong tatlong requirements o kailangang masunod para mapalitan ang mga nasirang pera.

Una, kailangang 60 percent ng surface area ng pera ay nababasa pa,pangalawa ay kailangan nakikita pa ang pirma ng presidente o ang BSP governor at ang panghuli ay kailangang nandoon pa rin ang security thread.

Pero kung maramihan naman ang nasirang pera, sinabi ni Cambre na kailangan lamang kumuha ng Barangay Certificate bilang patunay na nasunugan.

-- ADVERTISEMENT --

Pinaalalahanan din nito ang publiko na huwag tanggalin o paghiwalayin ang nasunog na parte ng pera sa hindi nasunog para mas mapadali ang pagpalit dito.

Aniya, kailangan lamang dalhin ito sa pinakamalapit na opisina ng BSP para mapalitan.

Samantala, muling ipinaalala ni Cambre na ang tahasang pagsira sa pera ay labag sa Presidential Decree 247 na may multang P20,000 o limang taon na pagkakulong.

Ipinagbabawal din aniya ang paggamit stapler sa perang papel dahil sanhi rin ito ng pagkasira.