
Umiiyak na naglabas ng loob ang ginang na nasunog ang bahay sa Caritan Sur, Tuguegarao City alas-10 kagabi.
Sinabi ni Ginang Mirasol Calimag, ito ay dahil sa halip tulungan sila ng mga nakakita sa sunog ay mas inuna pa nila na kumuha ng video para lang may mai-post sa social media.
Ayon sa kanya, may hinila siya na isang lalaki at hiningan ng tulong subalit iwinaksi lang ang kanyang kamay at pumunta sa kalsada para kumuha ng video.
Bukod dito, sinabi niya na naagapan sana ang paglaki ng apoy kung may tubig ang fire truck na unang dumating, at nang dumating naman ang isa pang fire truck ay napigtas naman ang hose para sa tubig.
Ayon sa kanya, wala silang nailigtas na gamit, kung saan nadamay ang ipon niyang pera para sa pag-aaral at debut sana ng kanyang anak mga gamit ng anak sa pag-aaral.
Sinabi niya na natutulog na siya nang may tumawag sa kanya at sinabing may sunog sa kanilang lugar.
Nang lumabas siya, kasama ang anak, may apoy na bubong ng kanilang bahay, na mabilis na kumalat dahil sa gawa sa kahoy ang kanilang bahay.
Nadamay ang dalawa pang katabing bahay na abandonado na gawa din sa light materials, at ang bahay na pinagmulan ng apoy.
Samantala, sinabi ni Ginang Inez Cariga, may-ari ng bahay na pinagmulan ng apoy, bago ang insidente, may narinig siyang yabag ng tao sa ikalawang palapag ng bahay na agad na pinuntahan ng kanyang asawa.
Subalit hindi na nakapasok ang asawa dahil sa nasa hagdanan sa ikalawang palapag na ang apoy.
May hinala ang ginang na sinadya ang sunog dahil sa may naamoy sila na gaas sa pinagmulan ng sunog.
Sinabi ni Cariga nasunog din ang isang kotse, dalawang motorsiklo, at kolong-kolong, at maraming makina.
Tumulong sa pag-apula ng sunog ang mga bombero mula sa Iguig, Enrile, Solana, at Peñablanca.
Naapula ang apoy matapos ang halos dalawang oras.
Iniimbestigahan na ng Buureau of Fire Protection sa Tuguegarao ang sanhi ng sunog at kung magkano ang pinsala.










