Inanunsyo ni Ferdinand Marcos Jr. na matagumpay na nakatagpo ng gas ang Pilipinas sa Malampaya gas fields sa Camago-3 well.

Ang drilling project, na matatagpuan sa karagatan ng Palawan, ay bahagi ng $893-milyong pamumuhunan ng negosyanteng si Enrique Razon at ng kanyang mga kasosyo.

Nauna nang may natuklasan sa Malampaya East 1, na siyang kauna-unahang pagkakataon sa mahigit isang dekada na may natagpuang gas sa lugar.

Sa isang video statement, sinabi ni Marcos na ang Camago-3 well ay kayang makagawa ng hanggang 60 million standard cubic feet ng gas kada araw.

Ayon kay Marcos, ang diskubre ay magdudulot ng mas matatag at mas murang kuryente.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, ang gas mula sa Malampaya ay nagkakahalaga ng P4.80 kada kilowatt hour, samantalang ang inaangkat na liquefied natural gas ay umaabot sa P10.30.

Sinabi ng pangulo na lalong mahalaga ang natuklasang ito ngayon, sa gitna ng patuloy na krisis sa langis na dulot ng digmaan sa Gitnang Silangan.

Ang digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran ay nagdulot ng pagtaas ng presyo ng fuel, at pinangangambahang magdulot din ito ng inflation.

Dahil dito, idineklara ang state of energy emergency upang matugunan ang impact ng nararanasang krisis.