Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may nadiskubre na natural gas reservoir sa Malampaya Field, na may layunin na palakasin ang gas supply ng bansa sa susunod na mga taon.

Sa video message, sinabi ni Marcos na ang nadiskubreng reservoir, na tinawag na Malampaya East 1 o MAE-1, ay matatagpuan limang kilometro sa silangan ng kasalukuyang Malampaya Field.

Tinatayang naglalaman ito ng nasa 98 billion cubic feet ng gas.

Sinabi ni Marcos na katumbas nito ng halos 14 billion kilowatt hour ng kuryente sa isang taon, na kayang magsuplay ng kuryente sa mahigit 5.7 milyon na kabahayan, mahigit 9,000 na mga gusali, o mahigit 200,000 paaralan sa loob ng isang taon.

Ayon kay Marcos, batay sa initial testing, ang balon ay dumadaloy sa 60 million cubic feet per day, na indikasyon na may potensiyal ito na makagawa ng higit pa dahil sa high productivity resource kumpara sa orihinal na Malampaya wells.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa ni Marcos na ang mga Pilipino ang nanguna sa paghuhukay ng gas field, at walang hindi kanais-nais na pangyayari habang ginagawa ito.

Sinabi ni Marcos na ang MAE-1 ang unang milestone sa ilalim ng Malampaya Phase 4 drilling campaign, na kinabibilangan din ng Camago-2 at Bagong Pag-asa wells.

Ayon sa kanya, ang susunod na hakbang ay ang pagkumpleto at testing sa Camago-3, na susundan ng drilling ng Pag-asa Exploration well upang maghanap ng mas maraming gas resources.

Sinabi ng Pangulo na ito ay naging matagumpay dahil sa trabaho ng SC-38 Consortium, na pinangunahan ng Prime Energy, sa tulong ng UC-38, PNOC Exploration Corporation, at Prime Oil and Gas Incorporated.