
Inaasahang magbibigay-linaw si National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag sa naging imbestigasyon ng NBI kaugnay ng umano’y bantang ipapatay ni Vice President Sara Duterte sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marco, at dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Martes.
Ayon kay prosecution spokesperson Atty. Benjamin Tolosa, si Matibag ang inaasahang magpapaliwanag sa mga detalye ng imbestigasyon na hindi natalakay ng mga naunang testigo, kabilang ang sinasabing pakikipag-ugnayan ng Bise Presidente sa isang umano’y mamamatay-tao.
Iginiit din ni Tolosa na maaaring magsilbing matibay na ebidensiya ang mismong mga naging pahayag ni Duterte at ang hindi nito pagbawi sa umano’y banta, na aniya ay maituturing na admission against interest sa ilalim ng Rules of Court.
Samantala, umaasa ang prosekusyon na mananatiling nakatuon ang mga senator-judge sa impeachment trial at hindi maililihis ang pagdinig sa ibang usapin.
Matatandaang inanunsyo ng NBI noong Hulyo 15 ang pagbuo ng isang task force upang imbestigahan ang umano’y iregularidad sa bidding at paggamit ng pondo para sa 2019 Southeast Asian Games. Kinuwestiyon naman nina Senator Alan Peter Cayetano, Senator Pia Cayetano, at Senator Robin Padilla ang tiyempo ng naturang imbestigasyon kasabay ng nagpapatuloy na impeachment trial ng Bise Presidente.








