Lumalabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na ilan sa 18 indibidwal na nagpakilalang dating tauhan ni Zaldy Co ay hindi umano direktang nagsilbi sa dating kongresista.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, batay sa kanilang paunang beripikasyon ay may mga inconsistency o pagkakaiba sa mga pahayag ng mga indibidwal sa kanilang joint affidavit.

Sa pagsusuri ng ahensya, apat lamang sa 18 ang kumpirmadong nagsilbi bilang driver o bodyguard, kaya mas angkop umano na tawagin silang “14 ex-marines and others.”

Dagdag ni Matibag, walo na sa mga indibidwal ang natukoy ng NBI kung kanino talaga sila nagsilbi bilang driver o bodyguard, at lumalabas na hindi sila naka-assign kay Co.

Samantala, sinabi rin ng NBI na isang retiradong heneral ang umano’y nag-recruit sa mahigit 100 bodyguards na iniuugnay sa mga naturang indibidwal.

-- ADVERTISEMENT --