Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na inatasan sila ng Office of the Ombudsman upang imbestigahan ang kredibilidad ng 18 indibidwal na nagpakilalang dating sundalo.

Ayon kay Bureau of Investigation Director Atty. Melvin Matibag, nakatanggap sila ng pormal na kautusan mula sa tanod-bayan upang suriin ang mga ito at tiyakin ang katotohanan ng kanilang mga pahayag.

Bagama’t nasimulan na ang paunang imbestigasyon, siniguro ng NBI na kanilang titignan ang background at pagkatao ng mga nabanggit upang ma-validate ang kanilang kredibilidad bago tuluyang imbestigahan ang mga alegasyong may kinalaman sa korapsyon.

Dagdag pa ng opisyal, hindi rin isasantabi ng ahensiya ang mga reklamo laban sa mga opisyal na umano’y tumanggap ng malalaking halaga ng pera. Ang pangunahing prayoridad ng NBI sa ngayon ay masusing imbestigahan ang naturang grupo ng mga dating sundalo bago palawakin ang imbestigasyon sa iba pang posibleng sangkot.