Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 2 na mayroon silang minamanmanan na private armed groups na maaaring maghasik ng kaguluhan sa 2022 elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Regional Director Gelacio Bonggat ng NBI Region 2 na bukod sa mga armadong grupo ay binabantayan din nila ang mga terorista na maaaring hadlangan ang pagdaraos ng election.

Aniya, lahat ng galaw at koneksyon ng mga grupo ay kanilang minomonitor para makakuha ng sapat na ebidensya.

Kasabay din ng pagsisimula ng kampanya sa lokal na posisyon sa rehiyon, sinabi ni Bongat na nakahanda din ang ahensya na tumugon sa anumang mga reklamo para sa posibleng pagsasampa ng kaso tulad ng vote buying.

Pinag-iingat din ni Bongat ang publiko sa mga modus ngayong panahon ng eleksyon gaya ng panghihingi ng pera o solicition ng mga nagpapakilalang lider ng national candidates na ipinagbabawal ng COMELEC.

-- ADVERTISEMENT --

Ang NBI ay makakatuwang ng PNP at Philippine Army sa pagbabantay upang matiyak ang maayos at malinis na halalan.