Target ng National Bureau of Investigation (NBI) na tapusin sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, inaasahan nilang makapagsampa na ng kaukulang kaso sa loob ng nasabing panahon dahil mayroon na silang malinaw na ebidensiyang nakalap.
Una nang nagpalabas ng subpoena ang NBI sa pitong dating opisyal ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), kabilang sina dating PHISGOC Chairman Ramon “Tats” Suzara, Chief Financial Officer Dexter Estacio, at Corporate Secretary John Lester Buenconsejo.
Gayunman, mga abogado lamang ng mga dating opisyal ng PHISGOC ang humarap sa NBI noong Lunes.
Nauna ring sinabi ni Matibag na nakatanggap ang PHISGOC ng humigit-kumulang P6.7 bilyon mula sa pamahalaan, kabilang ang pondo mula sa Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC), at Department of Budget and Management (DBM) para sa pagdaraos ng 2019 SEA Games.
Kapag isinama ang mga pondong nagmula sa pribadong sektor, tinatayang umabot sa mahigit P10 bilyon ang kabuuang budget ng PHISGOC.
Sinabi rin ni Matibag na maaari nilang isyuhan ng subpoena si Senator Allan Peter Cayetano, na namuno sa organizing committee ng 2019 SEA Games, kung siya ay madadawit sa testimonya ng mga dating opisyal ng PHISGOC sa isinasagawang imbestigasyon.










