
Muling pinatunayan ng National Capital Region (NCR) ang kanilang pagiging hari ng Palarong Pambansa matapos masungkit ang ika-18 sunod na overall championship sa 2025 edisyon ng palaro na ginanap sa iba’t ibang bayan ng Ilocos Norte.
Nanguna ang NCR sa medal tally matapos makalikom ng 117 gintong medalya, 70 pilak, at 50 tanso.
Malayo ang agwat nito sa pumangalawang Region IV-A (CALABARZON) na may 47 ginto, habang nasa ikatlong puwesto ang Region VI (Western Visayas) na may 44 ginto.
Pinakamaraming gintong medalya ng NCR ay nagmula sa swimming, athletics, at gymnastics.
Tampok sa mga pinakamahusay na atleta sina Titus Sia at Sophia Garra na parehong nakakuha ng tig-pitong ginto.
Limang ginto rin ang naiuwi ni Jeralyn Rodriguez sa track and field, habang may tig-limang ginto sina gymnast Arman Hernandez at swimmer Patricia Santos.
Namayagpag din ang NCR sa secondary girls volleyball matapos talunin ng National University Nazareth School ang dating kampeon na Western Visayas.
Samantala, nakuha ng Region II (Cagayan Valley) ang ika-15 na pwesto na may 4 gintong medalya, 11 pilak, at 18 tanso.