
Pinaghahandaan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang seguridad at crowd control sa paligid ng Senado kaugnay ng nakatakdang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na magsisimula sa Hulyo 6, 2026.
Ayon sa NCRPO, nakikipag-ugnayan sila sa Office of the Sergeant-at-Arms upang matiyak ang maayos na daloy ng mga tao sa loob at labas ng Senate compound, pati na rin ang kaligtasan ng mga opisyal, empleyado, at publiko.
Kasabay nito, pinag-aaralan din ang posibleng paglalagay ng mga harang at iba pang security measures dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga protesta at suporta sa panahon ng paglilitis.
Nakahanda rin ang karagdagang tauhan ng pulisya bilang backup sakaling lumala ang sitwasyon, habang may mga checkpoint na rin sa ilang bahagi ng Pasay City.
Nauna nang nagpaalala ang mga awtoridad sa mga dadalo sa mga pagtitipon na sundin ang alituntunin sa kaayusan upang maiwasan ang kaguluhan sa labas ng Senado sa gitna ng sensitibong proseso ng impeachment.










