Pinag-iingat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga mangingisda at manlalayag sa mga karagatang sakop ng Philippine Rise at Cataduanes dahil sa panibagong rocket launch ng China.
Batay sa advisory na inilabas ng NDRRMC, tinatayang pinalipad ng China ang Long March 4B rocket sa pagitan ng 9:16 at 9:43 ng umaga ng Setyembre-3(ngayong araw) mula sa Xichang Satellite Center sa Liangshan Yi Autonomous Prefecture, sa Sichuan province.
Maaari umanong bumagsak ang mga debris ng naturang rocket, 243 nautical miles mula sa Philippine Rise at 318 nautical miles mula sa Panay Island, Catanduanes.
Kasunod nito ay pinag-iingat ang mga manlalayag, mga mangingisda, atbpa dahil sa banta ng mga mahuhulog na debris.
Pinapayuhan din ng NDRRMC ang mga local disaster risk reduction management council sa naturang lugar na mahigpit na imonitor ang mga kaganapan sa nasasakupan.
Binalaan naman ng Philippine Space Agency ang publiko laban sa posibleng pagpulot o pangunguha sa mga makikitang rocket debris. Ayon sa ahensiya, maaaring maging banta sa kalusugan at buhay ang mga debris, kayat sa halip na kunin o pulutin, ireport na lamang sa mga otoridad.
Nitong Agusto, muling naglabas ang Philippine Space Agency ng kahalintulad na babala kasunod din ng rocket launch ng China kung saan ang mga debris ay pinangangambahan ding bumagsak sa mga katubigang sakop ng Ilocos Norte at Cagayan sa Northern Luzon.