Patay ang isang 43-anyos na negosyante matapos siyang pagbabarilin sa kanyang laundry shop sa loob ng subdivision sa Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City.

Ayon sa Quezon City Police District, pumasok sa laundry shop ang suspek na nakasuot ng itim na kapote at helmet at pinagbabaril ang biktima na isang lalaki.

Hinablot ng suspek ang ginto na kwintas ng biktima na nagkakahalaga ng P145,000 at agad na tumakas.

Agad naman na bumuo ang pulisya ng special investigation team.

Sa CCTV footage, nakita ang suspek sa Sabina Market kung saan niya dinala ang ninakaw na kuwintas para ipaayos.

-- ADVERTISEMENT --

Nakilala ang suspek sa pamamagitan ng plate number ng kanyang ginamit na motorsiklo, na nakarehistro sa kanyang asawa.

Dahil dito, nahuli ang suspek, na kinilala ng QCDP na si alyas “Mike Joey,” isang rider ng ride-hailing service.

Isinuko naman ng asawa ng suspek ang ilang ebidensiya, kabilang ang motorsiklo, tampered plate number, itim na kapote, pulang helmet, sandals, at isa pang helmet.