Huli ang isang negosyante sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad dahil sa pagbebenta ng mga walang laman na LPG cylinders nang walang kaukulang pahintulot kahapon ng hapon.

Kinilala ang suspek sa aka na Mimi, 29 taong gulang, may asawa, may-ari ng isang construction supply at residente ng Baggao, Cagayan.

Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group, Cagayan Provincial Field Unit katuwang ang Baggao Police Station, Provincial Intelligence Team Cagayan, Provincial Intelligence Unit Cagayan, kasama ang Southern Pacific Incorporation (SPI) at kinatawan ng LPG Marketers Association (LPGMA).

Naaktohan ang suspek matapos magbenta ng mga empty LPG cylinders na may tatak ng SPI GAS sa isang operatiba ng CIDG Cagayan PFU na umaktong poseur-buyer, nang walang permit o awtoridad mula sa may-ari ng trademark.

Ang naturang gawain ay paglabag sa Republic Act No. 623, na inamyendahan ng Republic Act No. 5700 at Republic Act No. 8293.

-- ADVERTISEMENT --

Nakumpiska sa isinagawang buy-bust operation ang 165 piraso ng walang laman na LPG cylinder nagkakahalaga ng P326,000, at iba pang ebidensiya.