Huli ang isang negosyante sa Tondo, Maynila dahil sa pagbebenta umano ng mga non-food relief packs na may tatak ng DSWD at para dapat sa mga biktima ng mga kalamidad sa bansa.

Ito ay matapos na isagawa ang entrapment matapos makakuha ng impormasyon ang mga awtoridad na nagkakabentahan umano ng non-food relief packs.

Binentahan umano ng negosyante ng libu-libong family clothing kit na may logo ng DSWD ang isang undercover agent ng Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (CIDG – NCR).

Pagkakuha ng senyas, dinakip ng mga taga-CIDG ang negosyante, na nagbibilang pa noon ng pera sa isang warehouse.

Sinabi ni Lieutenant Colonel John Guiagui, hepe ng CIDG- NCR, umabot ang negosasyon sa mahigit P15 million para sa 16,000 na piraso ng relief kit, na may tatak na DSWD, Bagong Pilipinas, at “not for sale.”

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, nakakalungkot ang nasabing insidente dahil sa marami ang nangangailangan ng tulong sa Cebu na niyanig ng malakas na lindol.

Kalaunan, dumating din sa warehouse ang mga taga-DSWD upang suriin ang mga ibinibentang kits na naglalaman ng mga gamit gaya ng t-shirt, shorts, underwear, tsinelas at tuwalya at nakalagay sa plastik na kahon na may logo ng DSWD.

Sinabi ni DSWD Disaster Response Management Bureau OIC Cris Mathay, iimbestigahan nila ang nasabing bentahan ng mga kits upang malaman kung sino ang nasa likod nito.

Ayon naman sa dinakip na negosyante, matagal na silang supplier sa DSWD at wala umano silang intensyong masama.

Sila rin ang nagmamay-ari ng supplies at hindi ang gobyerno.

Ayon sa kanya, ang mga nakuhang stocks sa kanya ay sobra lamang nila sa mga hindi kinuha sa kontrata.

Sinabi na nangangahulugan na hindi pera ng gobyerno ang pinambili ng mga nasabing bagay kundi pera ng kanilang kumpanya.

Nagsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon ang CIDG.

Maaaring maharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Section 19 ng Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, at 179, o illegal use o misrepresentation ng logo o seal ng isang opisina ng gobyerno.