Umabot na sa 547 katao ang nasawi sa Nepal dahil sa matinding flash flood na dulot ng pagbagsak ng glacier, habang lima naman ang kumpirmadong patay sa Tibet, China. Halos 1,000 katao pa ang nawawala sa dalawang bansa.

Pansamantalang sinuspinde ang rescue operations matapos tumaas ang tubig sa isang nabuong lawa sa kabundukan, na nagdulot ng pangamba sa panibagong pagbaha. Muli namang ipinagpatuloy ang operasyon matapos ideklarang manageable ang panganib.

Malawak ang pinsala sa mga nayon, kalsada, tulay at power station, habang mahigit 90,000 katao ang tinatayang naapektuhan. Hindi bababa sa 540 sa mga nawawala ay mga dayuhan, kabilang ang maraming Hindu pilgrims mula India.

Gumamit ang mga rescue team ng helicopter at sniffer dogs sa paghahanap ng mga survivor at katawan ng mga biktima. Marami ring pamilya ang patuloy na naghihintay ng balita tungkol sa kanilang mga nawawalang mahal sa buhay.

Samantala, nanawagan ang China para sa mas mahigpit na monitoring sa mga glacier lake, landslide at barrier lake upang maiwasan ang panibagong sakuna.

-- ADVERTISEMENT --

Bagama’t ilang bansa na ang nag-alok ng tulong, sinabi ng Nepal na kaya nitong pangasiwaan ang search and rescue operations at hindi pa nito kailangan ang mga dayuhang rescue team.