Nakarating na ang mga rescue team sa ilang liblib na lugar sa Nepal matapos makapagtayo ng mga pansamantalang tulay at maghukay sa mga guho ng mga hydropower project upang mailigtas ang daan-daang manggagawang na-trap dahil sa malawakang pagbaha.

Ayon kay Prime Minister Balendra Shah, 279 manggagawa na ang nailigtas mula sa mga hydropower project, habang nasa 600 pa ang nananatiling na-trap. Sa kabuuan, mahigit 11,000 katao na ang nailigtas sa mga apektadong lugar, habang naibalik na rin sa ilang lugar ang kuryente at komunikasyon.

Umabot naman sa 939 ang bilang ng mga nasawi, ayon kay Shah. Patuloy din ang paghahanap sa mga biktima, kabilang ang 24 na bangkay na narekober mula sa isang bahay sa Betrabati village sa Nuwakot.

Nakatulong na rin ang pagbabalik ng mga kalsada patungong Nuwakot sa pagdadala ng mga rescue team at relief goods. Nakikiisa rin ang India at China sa rescue operations, kabilang ang pagtatayo ng mga Bailey bridge para maabot ang mga liblib na lugar.

Sinabi ni Shah na nagpapakita ang sakuna ng tumitinding panganib na kinakaharap ng Himalayan region dahil sa climate change. Ayon naman sa state broadcaster ng China, ang pagbaha ay dulot ng glacier instability na may kaugnayan sa pangmatagalang epekto ng global warming.

-- ADVERTISEMENT --