Umabot sa ₱98.656 milyon noong 2025 ang idineklarang net worth ni Vice President Sara Duterte, mula sa ₱7.250 milyon noong 2007, batay sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALNs.

Kinumpirma ito ni Karen Batu, officer-in-charge ng Records Division ng Office of the Ombudsman, sa ika-25 araw ng impeachment trial ni Duterte.

Ayon kay Batu, ito ang mga halagang nakasaad sa mga SALN ni Duterte na isinumite sa Ombudsman. Mula 2007 hanggang 2025, unti-unting tumaas ang kanyang idineklarang net worth, kabilang ang ₱55.613 milyon noong 2019, ₱65.308 milyon noong 2021, ₱71.658 milyon noong 2022 at ₱88.512 milyon noong 2024.

Partikular na binigyang-diin ng private prosecutor na si James Bryan Alih ang pagtaas ng net worth ni Duterte mula ₱7.250 milyon noong 2007 tungo sa ₱18.493 milyon noong 2008.

Gayunman, tinutulan ng defense counsel na si Justin Gular ang naturang linya ng pagtatanong at hiniling na alisin sa record ang pahayag ni Alih. Pinaboran naman ito ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga datos sa net worth ay iniharap ng prosecution bilang bahagi ng Article II ng impeachment case, na tumatalakay sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at mga isyu sa deklarasyon ng mga ari-arian sa SALN.