
Niluwagan ng National Food Authority (NFA) ang mga patakaran nito sa pagbili ng palay sa layunin na mapataas ang kita ng mga magsasaka.
Sinabi ng NFA na pinalawak nila ang acceptable moisture content para sa dry palay sa pagitan ng 11 percent hanggang 14 percent, kumpara sa dati na 12 percent hanggang 14 percent.
Ayon sa ahensiya, ang adjustment ay para maabot ng mga magsasaka ang mas mataas na procurement price na hindi kailangan na mapababa ang kalidad dahil sa technical grounds.
Bukod sa adjustment sa acceptable moiture content, binago din ng NFA ang pest standard, na ngayon ay tinawag na “visibly free from pests.”
Sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na ang binagong mga patakaran ay inaasahan na susuporta sa presyo ng palay na karaniwang bumababa sa panahon ng peak ng anihan dahil sa oversupply.
Ayon kay Lacson, sa pamamagitan ng mga pagbabagong ito ay mas marami silang mabibili na ani at matutulungan ang mga magsasaka.
Gayunman, nilinaw ni Lacson na mananatili pa rin sa P17 per kilo ang pagbili ng NFA ng fresh o wet palay habang P21 per kilo naman para sa dry.
Ang mga pagbabago ay tugon sa kahilingan ng mga magsasaka na nagreklamo tungkol sa mahigpit na mga patakaran sa pagbili ng palay, kaya napipilitan sila na ibenta ang kanilang produkto sa private traders sa mas mababa na farm-gate prices.










