Mariing pinabulaanan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang pahayag ng ilang Chinese scholars na umano’y bahagi ng China ang Batanes, at iginiit na wala itong batayang kasaysayan at malinaw na taliwas sa mga makasaysayang tala.

Ayon sa NHCP, walang ebidensiyang nagpapatunay na kailanman ay nasakop o napamahalaan ng China ang Batanes. Sa halip, ipinakita ng mga tala na matagal nang naninirahan sa mga isla ang mga Ivatan at nakikipagkalakalan sa iba pang pamayanang pandagat. Noong 1783, pormal ding isinama ng pamahalaang Espanyol ang Batanes sa lalawigan ng Cagayan, at mula noon ay tuloy-tuloy nang nasasakupan ng Pilipinas ang lalawigan.

Binigyang-diin din ng komisyon na hindi maaaring ipagkaloob ng Japan sa China ang Batanes matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig dahil malinaw na pag-aari ito ng Pilipinas. Nauna nang tinawag ng Department of Foreign Affairs (DFA), Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., Armed Forces of the Philippines (AFP), at National Security Council (NSC) na walang basehan at hindi mapasusubalian ang pag-angkin ng China sa pinakahilagang lalawigan ng bansa.