Tiniyak ng National Irrigation Administration o NIA na sapat ang suplay ng tubig para sa irigasyon sa kabila ng inaasahang epekto ng malakas na El Niño.

Ayon kay NIA Administrator Eduardo Guillen, isinusulong ng ahensya ang double dry cropping upang masulit ang dry season at mapanatili ang produksyon ng mga magsasaka.

Inaasahang mararamdaman ang epekto ng El Niño mula Oktubre hanggang Disyembre at maaari itong magpatuloy hanggang ikalawang quarter ng 2027.

Sinabi ni Guillen na halos puno ang Magat Dam sa Isabela, na inaasahang makapagbibigay ng irigasyon sa humigit-kumulang 90,000 ektarya ng sakahan.

Halos puno rin ang Pantabangan Dam, na kayang magsuplay ng tubig sa nasa 120,000 ektarya.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, makikipag-ugnayan ang NIA sa Department of Agriculture upang matukoy ang mga lugar na maaaring kapusin sa tubig at mapalitan ang palay ng high-value crops gaya ng mais at munggo.

Hinihikayat din ang mga magsasaka na magtanim ng gulay sa gilid ng mga irrigation canal bilang dagdag na pagkakakitaan.

Ayon sa NIA, nakapagbigay ito ng P1.6 bilyong karagdagang kita sa mga magsasaka mula 2023 hanggang 2025.