Inatasan ng Department of Agriculture (DA) ang mga attached agencies nito na rebisahin ang kanilang mga plano sa pagtugon sa El Niño upang mabawasan ang epekto ng matinding tagtuyot sa suplay ng pagkain at presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., gagamitin ng DA ang mga natutunan mula sa malakas na El Niño na nagtapos noong 2024 para mas maging maagap sa pagtugon sa panibagong banta ng matinding tagtuyot.

Kabilang sa mga hakbang ang pagpapalakas ng irigasyon, pagbabago sa planting schedules, pagtiyak sa suplay ng farm inputs, at mahigpit na pagmamanman sa food inventories.

Pinaghahandaan din ang posibleng pag-aangkat at iba pang market interventions kung kakailanganin.

Plano rin ng DA na ilipat ang ilang farming activities sa mga lugar na hindi gaanong maaapektuhan ng El Niño, palawakin ang cloud seeding at solar-powered irrigation, at mamahagi ng drought-resistant seeds at emergency financial assistance sa mga magsasakang maaapektuhan.

-- ADVERTISEMENT --

Inaasahan ding bababa ang produksyon ng palay sa ikatlong quarter ng 2026 dahil sa epekto ng El Niño, na maaaring makaapekto sa suplay ng pagkain at magdulot ng dagdag na presyur sa presyo.