Natagpuan na si Magsasaka Partylist nominee at dating commander ng Alex Boncayao Brigade, Lejun dela Cruz, matapos na mawala kahapon.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. General Du, binisita ni Dela Cruz ang isang kaibigan sa Cainta, Rizal kahapon ng umaga.

Sumakay siya sa kanyang sasakyan ng 11:00 a.m. nang lapitan siya ng isang lalaki na naka-sibilyan.

Dumating naman ang isa pang lalaki na sakay ng motorsiklo sa kanang bahagi ng sasakyan, bumunot ng baril, at binaril umano si Dela Cruz ng dalawang beses.

Nang subukan ni Dela Cruz na paandarin ang kanyang sasakya, pinagbabaril umano siya ng maraming beses, kung saan hinabol umano siya ng ilang motorsiklo at isang sedan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng abogado, na noong makarating si Dela Cruz sa dulo ng Manggahan, Pasig, nabangga niya ang sedan at motorsiklo na humahabol sa kanya.

Sumigaw umano ang sakay ng sedan at nagpakilala na sila ay mga pulis.

Dahil dito, sumuko si Dela Cruz, itinaas ang kanyang mga kamay, kung saan dito na siya pinosasan.

Sinabi pa ni Atty. Du, binugbug umano ng ilang oras si Dela Cruz, kung saan nagtamo siya ng mga sugat sa kanyang mukha, tuhod, at siko.

Nadatnan naman umano siya ni Maya Capalad, executive secretary ni Dela Cruz ng 4:00 p.m. sa nabanggit na police station para sana maghain ng police blotter.

Sinabi ni Capalad, nakita niya si Dela Cruz sa police mobile, subalit hindi niya alam kung saan siya dinala.

Sinubukan nilang sundan ang sasakyan ng mga pulis, subalit tinutukan umano sila ng baril ng dalawang naka-sibilyan.

Dinala si Dela Cruz sa Marikina Police Station.

Sinabi ni Atty. Du, sinabi sa kanila ng nasabing pulisya na inaresto nila si Dela Cruz dahil sa kanyang warrant of arrest noon pang 1992 may kaugnayan sa kasong murder.

Kinukuwestion ng kampo ni Dela Cruz kung bakit siya binaril at bakit inabot ng tatlong oras bago siya dinala sa police station.

Dahil dito, sinabi ni Atty. Du na plano nilang magsampa ng kaso laban sa mga sangkot na pulis.

Kinumpirma naman ng Marikina police na inaresto si Dela Cruz.

Nilinaw ni PCol. Erwin Dayag, chief of police of Marikina, nakasibilyan ang mga pulis sa operasyon dahil sila ay bahagi ng intelligence group.

Nilinaw din niya na inaresto si Dela Cruz sa Pasig at hindi sa Cainta, Rizal.