Iginiit ng North Korea na tuluyan nang sarado ang usapin ng denuclearization at hindi na ito maaaring baligtarin, kasabay ng pagkondena nito sa kamakailang pag-uusap ng Estados Unidos at South Korea tungkol sa pagpapalakas ng kanilang nuclear deterrence.

Sa pahayag na inilabas ng Korean Central News Agency o KCNA, sinabi ng tagapagsalita ng Foreign Ministry ng North Korea na walang epekto sa kanilang posisyon bilang isang bansang may armas nukleyar ang mga pahayag at hakbang ng Estados Unidos at mga kaalyado nito.

Binigyang-diin ng North Korea na ganap nang natapos at hindi na mababago ang usapin ng denuclearization ng bansa.

Ang pahayag ay inilabas matapos talakayin noong nakaraang linggo ng mga opisyal ng Estados Unidos at South Korea sa Seoul ang pagpapalakas ng kanilang kahandaan at kakayahang humadlang sa banta ng lumalawak na programang pang-armas ng North Korea sa ilalim ng Nuclear Consultative Group o NCG.