Nagsagawa ang North Korea ng intermediate-range strategic missile drill na pinangunahan ni leader Kim Jong Un, ayon sa state media ng bansa.

Inilunsad ang missile noong Sabado mula sa silangang bahagi ng North Korea at tumama umano sa target na nasa 1,000 kilometro ang layo sa dagat. Layunin ng drill na sanayin ang mga tropang gumagamit ng hypersonic strategic weapon system at subukan ang kakayahan ng kanilang weapons system.

Ayon sa South Korean military, natukoy nito ang ballistic missile launch at tinayang lumipad ang missile nang mahigit 700 kilometro bago bumagsak sa dagat sa silangang bahagi ng Korean Peninsula.

Sinabi naman ni Kim Jong Un na kailangang ipagpatuloy ng Pyongyang ang pagpapalakas ng strategic weapons at nuclear deterrent nito para sa national security.

Ang missile test ay isinagawa habang tumitindi ang tensyon sa Korean Peninsula, kasunod ng landmine blast sa Demilitarized Zone na ikinasugat ng mga sundalong South Korean.

-- ADVERTISEMENT --

Mahigit 10 missile tests na ang isinagawa ng North Korea ngayong taon.