Pangungunahan ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasagawa ng indignation rally kasunod ng pagdiriwang ng anibersaryo ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Disyembre 26.
Batay ito sa ibinabang memorandum circular ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año, alinsunod sa implementasyon ng Executive Order No. 70 o whole-of-nation approach sa pagsugpo ng insurgency sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCAPT Sharon Mallillin ng Cagayan Police Provincial Office, lahat ng police stations sa buong bansa ay mag-oorganisa ng indignation rally sa Huwebes.
Magsisilbi aniya itong pangontra sa mga aktibidad ng NPA sa kanilang nalalapit na pagdiriwang ng ika-51 anibersaryo.
Bukod sa PNP, inaasahang susuportahan ito ng ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor upang tuligsahin ang lahat ng uri ng terorismo at karahasan.
Samantala, magsasama sa anti NPA rally sa rehiyon dos ang Police Regional Office II, Cagayan Police Provincial Office at Tuguegarao City Police Station na gaganapin sa St Peter Cathedral Parish (Patio).
Sinabi ni Mallillin na magiging highlight sa protesta ang pagharap at pagbibigay testimonya ng isang rebel returnee upang ipakita na mali ang kanilang paniniwala at doktrina.
Inaasahan din na dadaluhan ng mga kabataan at government officials ang isasagawang programa.