Pinabulaanan ni National Security Adviser Eduardo Año na may kinalaman siya sa umano’y “conspiracy” na nagbunsod sa pagkaka-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakalipas na linggo.
Sa pagdinig ng Senate committee on foreign relations, sinabi ni Año na bilang isang dating cabinet member ng Duterte administration, masakit din para sa kanya na makita na naaresto si Duterte.
Gayunman, iginiit ni Año na bilang kasalukuyang national security adviser ng Marcos administration, ang kanyang papel sa pag-aresto kay Duterte ay limitado para i-assess na ang sitwasyon ay hindi magiging national security concern.
Idinagdag pa ni Año na wala siyang alam sa anomang core group, o siya ay miyembro ng nasabing grupo na umano’y nagplano at naghanda para sa pag-aresto kay Duterte.
Kasabay nito, sinabi ni Año, na nagsilbing Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at naging Secretary of the Interior and Local Government sa Duterte administration, na hindi siya kailanman nakialam sa pulitika at wala rin siyang political ambitions.
Una rito, sinabi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na may sama ng loob siya kay Año.
Ayon kay Dela Rosa, ito ay dahil sa hindi man lang sinabihan ni Año ang team ni Duterte, na nasa Hong Kong noong panahong iyon, na aarestohin ang dating pangulo sa kanyang pagbabalik sa bansa.
Idinagdag pa ni Dela Rosa na may narinig niyang haka-haka na may traydor sa grupo na kasama ni Duterte sa Hong Kong.
Subalit sinabi niya na hindi niya kilala kung sino ang nasabing tao.