Nagsagawa ng validation ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa mga proyekto na pinondohan sa ilalim ng Support to the Barangay Development Program (SBDP) sa lalawigan ng Cagayan.

Isinailalim sa assessment ng validation team ang 12 SBDP projects kung saan ang ilan sa mga ito ay kasalukuyang tinatapos sa bayan ng Gonzaga, Sta. Ana, Tuao, Piat at Sto Nino.

Binigyang-diin ni Col. Alexander Banatao, Director for Intelligence & Strategic Communications ng NTF-ELCAC, ang kahalagahan ng whole of government approach sa pagkamit ng kapayapaan at kaunlaran sa mga lugar na apektado ng kaguluhan.

Iginiit ni Banatao sa mga LGU officials na hindi malulutas ng isang sector lang ang isyu sa insurhensiya subalit kailangan ang pagkakaisa ng mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan para matugunan ang ugat ng suliranin.

Nagtungo ang validation team sa bayan ng Gonzaga kung saan nagsagawa ng inspekiyon sa kasalukyang construction ng Level II potable water system sa Barangay Santa Clara.

-- ADVERTISEMENT --

Kasama din sa sinuri ang 350-meter road opening at concreting sa Baloloy Street at ang 300-meter concreted road sa Macapulay Street sa Brgy Casambalangan, Sta Ana.

Kabilang din na-validate ang farm to market roads sa Brgy San Luis at Lakambini sa bayan ng Tuao at ang kasalukuyang ginagawang two-storey health station sa Brgy Calaoagan, Piat.

Nagsagawa rin ng inspeksiyon ang validation team sa farm to market road project sa Brgy Virginia at Campo sa bayan ng Sto Nino.

Labis naman ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa validation team dahil malaking tulong ang mga naturang proyekto para mapabilis ang paglalabas sa kanilang produkto at para matiyak ang maayos at ligtas na supply ng tubig para sa mga benepisyaryo ng potable water system.

Nagpasalamat din ang mga makikibang sa health station dahil matutukan ang kanilang kalusagan kahit na sila ay nasa malayong lugar.

Ang validation team ay binubuo ng mga kinatawan mula sa National Government Agencies gaya ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Economic Development Authority (NEDA), Philippine Information Agency (PIA), Department of Budget Management (DBM), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Agriculture (DA), Philippine National Police (PNP) at Philippine Army
Pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Region 2 ang inspeksyon sa suporta ng Localization of Executive Order 70 – Program Management Office

Ang Support to Barangay Development Program ay ang flagship program ng NTF-ELCAC na pinondohan sa ilalim ng Local Government Support Fund Local Government para sa pagpapagaan ng kahirapan at pag-unlad sa mga geographically isolated areas at mga dating communist conflict-afflicted areas.