Kinumpirma ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) na kasalukuyan nitong bineberipika ang mga ulat hinggil sa umano’y istrukturang itinatayo ng China sa Bajo de Masinloc.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules ng gabi, sinabi ng NTF-WPS na nagsasagawa na ng verification at validation ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan upang matukoy ang katumpakan, kalikasan, at mga pangyayaring nakapalibot sa naturang ulat.

Ayon sa maritime monitoring group na SeaLight, nakuhanan ng satellite images ang isang estrukturang may tinatayang diyametrong 10 metro sa Bajo de Masinloc.

Gayunman, hindi pa matiyak ng grupo kung ito ay isang permanenteng istruktura, marker na nakakabit sa bahura, buoy-type device, monitoring instrument, o iba pang uri ng pasilidad.

Sinabi rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagsasagawa ito ng sariling beripikasyon kaugnay ng ulat.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa NTF-WPS, nakikipag-ugnayan ito sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang magkaroon ng komprehensibo at nakabatay sa katotohanang pagsusuri sa sitwasyon.

“Mahigpit na binabantayan ng pamahalaan ang anumang pangyayari na maaaring makaapekto sa soberanya, sovereign rights, at hurisdiksyon ng bansa sa West Philippine Sea,” ayon sa task force.

Habang nagpapatuloy ang beripikasyon, nanawagan ang NTF-WPS sa publiko na iwasan ang mga haka-haka at umasa lamang sa impormasyong inilalabas ng mga opisyal na ahensiya ng gobyerno.

Ang Bajo de Masinloc, na kilala rin bilang Panatag Shoal o Scarborough Shoal, ay matatagpuan 124 nautical miles mula sa baybayin ng Masinloc, Zambales at nasa loob ng 200-nautical-mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Noong 2016, pinaboran ng arbitral tribunal sa The Hague ang Pilipinas sa kasong inihain laban sa China kaugnay ng South China Sea, at idineklarang walang legal na batayan ang malawak na pag-aangkin ng Beijing sa nasabing karagatan.

Gayunman, hindi kinikilala ng China ang naturang desisyon.