TUGUEGARAO CITY- Sinampahan ng kasong Anti-Photo and Voyeurism Act ang isang lalaki na nagpakalat ng nude photos ng kanyang dating kasintahan sa social media.

Sinabi ni PCMSgt. Maricel Bernardino na dumulog sa kanilang himpilan ang babae na nasa high school pa lamang matapos na makita ang kanyang larawan na naka-post sa kanyang dating facebook account.

Ayon kay Bernardino, nalaman ng babae ang ang tungkol sa kanyang larawan sa kanyang matalik na kaibigan matapos na ipadala sa kanyang messenger.

-- ADVERTISEMENT --

Ikinalat din umano ito ng lalaki sa iba pang tao.

Sinabi pa ni Bernardino na nag-chat ang babae sa lalaki at tinanong kung siya ang nagpakalat ng kanyang mga larawan subalit itinanggi umano ito ng lalaki.

Subalit, naniniwala ang babae na ang kanyang dating kasintahan ang nagpalakat ng mga larawan dahil sa una na itong nagbanta na gagawin niya ito kung tuluyan siyang hihiwalayan.

Nakailang message din umano ang lalaki na nagsasabi na ipapakalat niya ang larawan kung hindi siya makikipagpalikan sa kanya.

Sinabi ni Bernardino na ang nasabing larawan ay ipinadala ng babae sa lalaki nang sila ay magkasintahan pa.

Nabatid na nasa nasa kolehiyo na ang lalaki sa Ilocos.