Nagpahayag ng lungkot at pasasalamat ang mga journalist group at media practitioners sa nakatakdang pagsasara ng Center for Media Freedom and Responsibility o CMFR sa Setyembre 30.

Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines o NUJP, malaking kawalan sa pamamahayag ang CMFR dahil tumulong itong panagutin ang mga nasa kapangyarihan at pinaalala sa mga mamamahayag ang kanilang responsibilidad sa publiko.

Ikinalungkot din ng Economic Journalists Association of the Philippines o EJAP ang pagkawala ng CMFR, na sa loob ng 37 taon ay nagmonitor sa media, nagdokumento ng mga pag-atake laban sa mga mamamahayag at kumilala sa kahusayan sa pamamahayag sa pamamagitan ng Jaime V. Ongpin Awards.

Nagpasalamat naman ang ilang beteranong mamamahayag, kabilang sina dating GMA News Online editor-in-chief Joe Torres, Roby Alampay at NUJP Chair Jonathan de Santos, sa naging ambag ng CMFR sa kanilang paghubog bilang journalists.

Nagpahayag din ng suporta ang human rights group na iDefend, habang tinawag naman ng journalist at Rappler Editor-at-Large Marites Vitug ang pagsasara ng CMFR na “passing of an era.”

-- ADVERTISEMENT --

Itinatag ang CMFR 37 taon na ang nakalilipas at magsusulat na ito ng “-30-” o pagtatapos ng isang kuwento sa Setyembre 30.