Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang pagkamatay ng 31-anyos na nurse matapos mahulog sa zip line sa isang resort noong Linggo ng hapon sa Brgy Bagumbayan, Tabuk City, Kalinga.
Kinilala ang biktima na si Paul Gaayon, residente ng Purok 5, Bulanao Centro, Tabuk City.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni PMS Janford Wassig, tagapagsalita ng Tabuk-PNP na batay sa salaysay ng kapatid ng biktima na nakakita sa insidente, una umanong sinubukan ng biktima ang zip line sa Camp L&C at umabot sa dulo ng kable nang walang anumang pinsala o aberya.
Ngunit sa ikalawang subok nito ay natanggal umano ang isang kamay ng biktima sa pagkakahawak sa zip line at dumiretso sa safety net ngunit dahil sa bigat ay napunit din ang lambat na dahilan ng pagkakahulog nito sa lupa.
Bagamat naisugod pa sa Kalinga Provincial Hospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival ng umasikasong duktor.
Sa pahayag naman ng may-ari ng resort, sinabi nito na bago sumubok sa zipline ang sinuman ay itinuturo ng kanilang lifeguard ang tungkol sa kaligtasan ng mga ito.
Isa rin sa iniimbestigahan ng pulisya ayon kay Wassig ang posibleng pananagutan ng resort sa nangyaring insidente.