Itinanggi ni Nueva Vizcaya Rep. Atty Timothy Joseph Cayton ang alegasyon ng ilang anti-mining groups sa Dupax del Norte na iniwan niya ang mga residenteng tumututol sa mining exploration sa Woggle Exploration sa Sitio Keon, Barangay Bitnong.

Sa isang panayam, binigyang-diin ni Cayton na hindi niya kailanman tatalikuran ang Dupax del Norte, dahil doon siya ipinanganak at lumaki.

Inamin ni Cayton na hindi pa siya personal na pumunta sa lugar kung saan nagsasagawa ng protesta at nagtayo ng mga barikada ang ilang residente, dahil sa isyu ng seguridad at may mga ulat na may ilang personalidad na hindi residente ang pumasok sa lugar.

Sa kabila nito, iginiit ni Cayton na ipinaparating niya sa mga kinauukulang mga ahensiya ng gobyerno ang mga reklamo at mga hinaing ng mga residente.

Ayon sa kanya, naghain siya ng isang resolusyon sa Kamara na humihikayat sa House Committee on Natural Resources na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa mga umano’y paglabag sa Woggle Corporation.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga sinasabing paglabag ng kumpanya ang pagputol ng mga puno na walang kaukulang permit sa Department of Environment and Natural Resources, wala umanong konsultasyon sa mga residente bago simulan ang exploration, at ang lumalalang tensyon sa nagdulot ng pagkakahati-hati ng komunidad.

Idinagdag pa ni Cayton na naghain din siya ng panukalang batas na naglalayong palakasin ang pangangalaga sa kalikasan sa lalawigan, kabilang ang panukalang pagpapalawak ng watershed areas sa Nueva Vizcaya.

Ipinaliwanag niya na hindi simpleng usapin ang pagmimina sa Dupax del Norte at kailangang tugunan ito sa pamamagitan ng legal na proseso, transparency, at pananagutan sa halip na padalos-dalos na hakbang o mga komprontasyon.

Idinagdag pa niya na tutol siya sa pagmimina, subalit kailangan pa rin ang pagsunod sa batas.