Natagpuang patay sa disyerto ng Saudi Arabia ang isang overseas Filipino worker (OFW) na apat na araw nang nawawala.

Kinilala ang biktima na si Juljirri Aggong, na nasawi matapos mabundol ng isang sasakyan sa King Salman Eastbound Road noong Hunyo 11, bandang alas-12:31 ng tanghali.

Nangyari ang insidente sa isang hindi itinalagang pedestrian crossing.

Natukoy na ng mga awtoridad ang sasakyan, pati ang plaka at ang driver.

Gumagawa ng hakbang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang makakuha ng CCTV footage ng insidente at may abogado na itong nakaantabay sa Riyadh para sa kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Hiling ng pamilya ni Aggong ang hustisya, lalo’t marami pa umanong Pilipino sa Saudi Arabia na maaaring malagay sa panganib kung hindi ito mapapanagot.

Tubong Jolo, Sulu ang biktima at panganay sa magkakapatid.

Nagtatrabaho siya bilang office at facility cleaner sa loob ng anim na buwan.

Ililibing siya sa Riyadh alinsunod sa tradisyong Islam.

Nangako ang OWWA na ipaglalaban ang kaso upang makamit ang hustisya para kay Aggong.