
Naghain ng reklamong kriminal ang grupo ng Overseas Filipino Workers sa National Bureau of Investigation laban sa ilang cargo forwarders na iniuugnay sa matagal na pagkaantala ng kanilang balikbayan boxes.
Kasama nilang humarap ang mga opisyal ng Bureau of Customs upang isulong ang imbestigasyon.
Itinalaga ng NBI ang mga ahente para pangunahan ang pagsisiyasat sa mga forwarding company na umano’y hindi nakapagproseso at hindi nakapagbayad ng kinakailangang duties, dahilan ng pag-ipon ng libo-libong kahon.
Tinatayang higit 10,000 OFWs ang naapektuhan, at umabot sa mahigit 50,000 kahon o katumbas ng humigit-kumulang 130 container vans ang naantala.
Inirekomenda ng Customs ang pagsasampa ng kasong large-scale estafa dahil sa laki ng halagang sangkot at dami ng biktima.
Tiniyak naman ng NBI na pananagutin ang lahat ng mapatutunayang responsable matapos ang masusing imbestigasyon.
Samantala, nangako ang Bureau of Customs na agad na ipapamahagi ang mga natiwangwang na balikbayan boxes na nasa kanilang kustodiya upang makarating ito sa mga dapat tumanggap.










