Mabilis na lumalala ang oil spill sa Gulf matapos kumalat nang halos walang kontrol sa loob ng ilang linggo, ayon sa mga international agency, environmental groups at satellite imagery.

Nagmula ang oil spill sa tanker na Caroline Bezengi na sumadsad noong Hunyo 30 sa isang isla sa Oman habang may kargang tinatayang 800,000 barrels ng Russian crude oil.

Ayon sa oil spill specialist na si John Amos, umabot na sa mahigit 2,000 square kilometers ang lawak ng oil slick at naiulat nang umabot sa mainland ng Oman.

Nanganganib din ang marine ecosystem sa lugar, kabilang ang mga endangered sea turtles, humpback whales at coral reefs.

Ayon sa International Maritime Organization, nahirapan ang mga awtoridad na magsagawa ng salvage operation dahil sa monsoon conditions.

-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala naman ang mga eksperto na kapag tuluyang nasira ang tanker, maaaring tumagas ang malaking bahagi ng kargang langis at maging kasinglaki ng 1989 Exxon Valdez oil spill ang pinsala.

Hinikayat ng mga eksperto ang agarang pagsasagawa ng mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng langis, kabilang ang pagpapatatag sa tanker at paglilipat ng natitirang crude oil sa ibang barko.